-- Advertisements --

Kinumpirma ngayong araw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselado na ang pasaporte ni dating Congressman Arnolfi Teves Jr.

Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Teresita Daza, ito ay base na rin sa impormasyon mula sa Office of Consular Affairs.

Ipinaliwanag din ng DFA official na sa oras na kanselado na ang pasaporte ng isang indibidwal mula sa passport system, ito ay magiging red flag na rin sa anumang aplikasyon sa lahat ng DFA consular offices sa loob at labas ng PH.

Gayundin, ipinaalam na rin ang kanselasyon ng pasaporte sa Bureau of Immigration at sa Interpol office sa ating bansa.

Ang tanggapan naman ng Interpol na nasa PH ang siyang maguulat ng kanselasyon ng pasaporte sa headquarter ng Interpol na siyang maglalagay naman sa naturang pasaporte sa kanilang alert systems sa lahat ng international border controls.

Una rito, kinumpirma ng Department of Justice ang pag-aresto kay Teves sa Timor Leste.

Matatandaang inakusahan ang napatalsik na kongresista na siyang utak ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa noong Marso 4 ng nakalipas na taon.