BUTUAN CITY – Matagumpay na naisilang ng isang babae ang kanyang sanggol habang lulan ng isa sa mga barko ng Cokaliong Shipping Lines na mula sa Cebu City at patungong Surigao City pasado alas–8:20 ng gabi.

Ayon sa isa sa mga pasaherong si Shella Yu Yap, gagamit lang sana ng banyo ang buntis na si Jodelyn Ruadiel, 20-anyos na residente ng Carrascal, Surigao del Sur, nang ito’y sumigaw at nagpasaklolo dahil sa bigla umanong paglabas na ng kanyang new born baby.

Ligtas namang nakuha mula sa toilet bowl ang sanggol matapos respondehan ng tatlong doktor, isang nurse at mga personahe ng Bureau of Fire Protection Bacuag na nagkataong sakay din ng barko.

Nagsigawan ang mga pasahero nang makitang buhay na nakalabas ng comfort room ang bagong silang na sanggol na pinangalanan nilang Gregoria Coka.