-- Advertisements --
NCRPO COURTESY RESIGNATION AND DRUG TESTING

Ngayon ang huling araw na itinakda para sa pasahan ng courtesy resignation para sa lahat ng mga 3rd level officials ng Philippine National Police (PNP).

Ito ay alinsunod pa rin sa naging panawagan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na pagbibitiw sa serbisyo ng lahat ng matataas na opisyal ng pambansang pulisya bilang bahagi pa rin ng paglilinis sa buong hanay ng kapulisan.

Ngunit ayon kay Philippine National Police chief PGen Rodolfo Azurin Jr. hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakukumpleto ang 941 na mga heneral at full pledged colonel ng Philippine National Police na inaasahang tutugon sa naging panawagan ni Secretary Abalos.

Aniya, sakaling magmatigas at hindi pa rin talaga maghain ng courtesy resignation ang mga ito hanggang ngayong araw ay pag-uusapan nila ang susunod na aksyon na kanilang gagawin ukol dito.

Pero kung sakali naman aniya na magbago ang isip ng mga ito at saka humabol sa pagpapasa ng kanilang courtesy resignation ay malugod pa rin naman aniya nila itong tatanggapin.

Una nang inihayag ng pambansang pulisya na batay sa kanilang pinakahuling tala ay mayroon pang natitirang sampung 3rd level officials ang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang courtesy resignation.

Mula sa naturang bilang, tatlo sa mga ito ang mga heneral, habang pito naman ay pawang mga koronel ng pambansang pulisya.

Pangunahing dahilan pa rin ng agam agam sa ilan sa mga ito ay may kaugnayan pa rin sa kanilang napipintong pagreretiro sa serbisyo.