Muling binalaan ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang mga kwalipikadong botante laban sa pagpaparehistro ng maraming beses upang maiwasan ang posibleng penalty na isa hanggang anim na taong pagkakakulong.
Batid aniya ng poll body na sa dami ng registration site na inilagay upang maabot lamang ang mga kwalipikadong botante para makapagpatala para sa nalalapit na barangay at sangguniang kabataan elections, may mga unscrupulos registrants ang magtatangka aniyang samantalahin ang pagkakataon para gamitin ito sa hindi tama.
Gayunpaman, ipinaliwanag ng Comelec Chairman na nakahanda naman ang poll body para sa mga kaganapang tulad nito at may mga umiiral na angkop na mga sistema at batas na handang gamitin upang usigin ang sinumang gagawa ng paglabag gaya ng Automated Fingerprint Identification System para i-countercheck kung ang isang botante ay nakapagrehistro na noon o kung multiple registrant.
Kapag napatunayan na ito ay nakapagpatala ng maraming beses, tatanggalin ito bilang botante at mahaharap pa sa kasong election offense.
Sa katunayan pa nito, ayon sa poll chief na malapit ng magsampa ng mga kaso laban sa mga nahuling nagrehistro ng maraming beses na isinasapinal na sa ilalim ng En Banc.
Samantala hindi na palalawigin pa at nakatakdang magtapos na sa Enero 31 ang pagpaparehistro para sa mga botante ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections. Kaya’t inaanyayahan ng Comelec ang lahat ng mga kuwalipikadong Pilipino na magparehistro na at gamitin ang karapatang bumoto para sa susunod na halalan.
Mangyari lamang na magtungo sa kanilang registration sites sa opisina ng Comelec o sa satellite registration sa mga mall at sa Register Anywhere Project sites.