-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag ni Anakalusugan Partylist Rep. Ray Reyes ang Philippine Charity Sweepstakes Office’s (PCSO) hinggil sa pagtaas ng kanilang advertising expenses na nasa P340 milyon ngayong 2023.

Ito’y matapos mabatid sa House budget briefing ng PCSO na tumaas sa 1,689 percent ang gastos ng government-owned and controlled corporation sa kabila ng naiulat na nagtamo sila ng net loss na nasa P938 million.

Inihayag ni Cong Reyes na kumpara nuong 2022 ang ginastos ng PCSO sa advertising ay nasa P19 million subalit malaki ang kinita.

Punto ng mambabatas dapat pag-isipan muli ng ahensiya ang paggastos nila sa advertising dahil malaking halaga ang P340 million.

Sabi ni Reyes sa nasabing pondo may mabibili ng ambulansiya na maaring ipamahagi sa mga nangangailangang komunidad, medical assistance at gamot para sa libo-libong kababayan natin.

Dagdag pa ng mambabatas na hindi katanggap-tanggap ang hindi pagdalo ni PCSO General Manager Mel Robles sa nagdaang budget briefing.

Umaasa ang mambabatas na dumalo na sa susunod na pagdinig ay dadalo na ito upang masagot nito ang mahahalagang isyu na ipinupukol sa PCSO.