-- Advertisements --

Naniniwala si Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan na mas lalo pang lalakas ang produksyon ng bigas ngayong taon sa kabila ng nakaambang El Nino phenomenon.

Ayon kay Yamsuan, ito’y dahil sa inaasahang P31 bilyon na matatanggap ng mga palay producer mula sa pamahalaan sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA).

Sa nasabing pondo, siguradong makatatanggap ang mga maliliit na rice producer sa bansa ng nasa P15 billion cash aid mula sa 2023 tariff collections mula sa mga inangkat na bigas.

Kumpiyansa si Yamsuan na hindi lamang ang Department of Agriculture ang handa para sa panahon ng tagtuyot ngunit maging ang iba pang mga concerned government agencies upang matiyak na mabibigyan ng sapat na suporta ang mga magsasaka ng palay tungo sa ikabubuti ng produksyon at kita sa bigas.

Binanggit din ni Yamsuan na maliban sa NRP, ay makakakuha din ng pondo mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang iba pang programa ng pamahalaan at mga magsasaka ng palay.

Isinusulong naman ni Yamsuan na magpatuloy ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga magsasaka sa pamamagitan ng kanyang inihain na House Bill 7963 o panukalang bubuo ng pondo para mabigyan sila ng pensyon.