Nananawagan si OFW Party-list Representative Marissa Magsino sa host countries na siguruhin ang pinaigting na proteksyon ng Filipino seafarers.
Ayon kay Magsino, dapat tiyakin ang kapakanan ng mga Pilipinong seafarers lalo na kapag naglalayag sa mga mapanganib na lugar sa karagatan.
Hangga’t maaari ay mayroon aniya sanang patrol boats na makakasama ang mga barko sa paglalayag upang maiwasan ang anumang sakuna.
Suportado rin ni Magsino ang plano ng Department of Migrant Workers na magpatupad ng temporary ban ng Pinoy seafarers sa “hot zones”.
Punto ng kongresista, dapat pag-aralan ito kasama ang maritime stakeholders lalo na kung ito ang magiging daan upang ingatan ng ship owners ang kaligtasan ng kanilang mga crew.
Kasabay nito, muling ipinanawagan ni Magsino ang pagsasabatas sa Magna Carta of Filipino Seafarers na naglalayong protektahan ang karapatan at kanilang interes kapag may nangyaring aksidente, epidemya at pandemya at iba pang natural at man-made crises.