Nilinaw ngayon ni ACT-CIS Party-list Rep. Niña Taduran na wala pang nabubuong desisyon ang Party-list Coalition Foundation Inc. (PCFI) sa kung sino ang susuportahang speaker aspirant.
Pahayag ito ni Taduran kasunod ng emergency meeting ng Party-list Coalition kagabi sa Marco Polo Hotel sa Ortigas.
Sinabi ng neophyte congresswoman na hindi pa rin nila nareresolba ang usapin sa kung sino ang kanilang susuportahan para maging susunod na lider ng Kamara.
“No declarations for tonight. Subject unresolved,” ani Taduran.
Una rito, lumabas ang isang manifesto of support para kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco mula sa apat na major blocs sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Isa sa mga lumagda rito ay si Party-list Coalition President Michael Romero.
Pinuna ng ilang miyembro ng PCFI ang naging hakbang ni Romero lalo pa at wala naman anilang botohan na naganap hinggil sa kung sino ang kanilang susuportahan sa speakership race.
Ayon kay Anak Kalusugan Rep. Mike Defensor, hindi patas para sa kanilang mga miyembro ng party-list bloc ang ginawa ni Romero sapagkat hindi naman daw nila ito napag-usapan.
Para kay Defensor, illegal ito at wala rin aniyang basehan.