-- Advertisements --

NAGA CITY – Labis ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Naga matapos na pumayag ang isang pari sa naturang lungsod na magpakilala sa kabila ng pagpositibo nito sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

Kinilala ang pasyenteng Bicol #338 na si Fr. Austin John Millares Ortinero, formator din ng Holy Rosary Major Seminary sa Concepcion Pequeña, Naga City.

Sa inilabas na opisyal na pahayag ng lokal na pamahalaan ng lungsod, sinabi nito na malaki ang kanilang papuri kay Fr. Austin sa hindi pagdadalawang-isip na siya ay pangalanan.

Ang kaniyang desisyon na ito ay upang makatulong sa isinasagawang contact tracing.

Sa ngayon, panawagan ng alkalde sa mga nagka-close contact kay Fr. Austin simula noong nakaraang Linggo, Hulyo 19 hanggang Hulyo 24, na makipag-ugnayan sa City Health Office.