-- Advertisements --

Umalma ang Philippine National Police (PNP) sa paratang na ipinupukol laban sa Special Action Force (SAF) troopers na sangkot daw sa pagbalik ng illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, nais nilang malaman kung ano ang motibo ng mga indibidwal na nagpapakalat ng maling paratang laban sa SAF troopers.

Sinabi ni Carlos na tila sunud-sunod na ang ginagawang paninira laban sa mga pulis na nagbabantay sa Bilibid na galing mismo sa pamunuan ng Bureau of Correction (BuCor).

Maliban kasi sa illegal drug trade sa loob ng NBP, pinakabagong akusasyon ay ang kaso ng umano’y pagnanakaw ng isang SAF trooper ng P200,000 na cash at TV sa loob ng kulungan.

Ayon naman kay Carlos, sana ay nagkaroon muna ng koordinasyon ang BuCor sa PNP upang ipaalam muna sa kanila ang mga insidente bago ito inilabas sa media.

Hamon ng PNP sa BuCor na pangalanan ang SAF trooper na inaakusahang nagnakaw at maglabas ng ebidensya laban dito para masampahan ng kaso.

Tiniyak ni Carlos na hindi nila kukunsintihin ang ganitong insidente kung mapatunayang may katotohanan.

Kahapon binisita at kinausap ni PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa ang mga SAF trooper.