-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinabiliban ng mga netizens sa social media ang isang Bicolana artist na naglunsad ng art for a cause upang matulungan ang mga paaralan sa kanilang blended learning scheme.

portrait legazpi 1

Trending sa social media at nakakatanggap ng mga papuri si Shella Brobio dahil sa paggawa nito ng mga paper portraits kapalit ang mga reams ng bond paper na kanyang idino-donate sa mga paaralan upang magamit sa printing ng mga modules na ipinamimigay sa mga estudyante.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Brobio na mula sa Tabaco City, Albay, una niyang naisipan ang paglunsad ng “paper portrait in exchange of bond paper project” ng makita ang pangangailangan ng mga guro sa kanilang lugar dahil sa kakapusan ng pondo para sa magagamit na bond papers.

Dahil dito, isang buwan na ang nakakalipas ng magsimulang tumanggap ang artist ng mga request sa pagpapagawa ng portrait at tumulong sa ilang mga paaralan sa kanilang lugar.

Sa ngayon, lalo pang dumadami ang mga kumokontak kay Brobio maging mula sa ibang bansa upang magpapagawa ng portrait na inaabot ng dalawa hanggang tatlong araw bago matapos.