Mabilis na tinapos ng Senate committee on finance ang deliberasyon nito sa panukalang 2024 budget ng Commission on Audit (COA) na aabot sa P13.360 bilyon.
Sa pagdinig, sa pangunguna ni panel chair Senador Sonny Angara, walang tinanong tungkol sa plano ng paggastos ng COA para sa susunod na taon.
Sinabi ni Angara na ang 2024 budget proposal ng COA ay aprubado na sa committee level at inendorso sa plenaryo ng Senado.
Ayon pa sa Senador, isa sa mga dahilan kung bakit mabilis na inaprubahan ay ang kakulangan ng mga mambabatas na magtatanong sa 2024 budget ng COA.
Ang iminungkahing badyet ng NEP para sa COA ay mas mababa ng P800 milyon sa orihinal na panukala ng COA na P14.166 bilyon.
Mahigit P500 milyon ang mapupunta sa gusali at iba pang istruktura habang humigit-kumulang P150 milyon ang natanggal sa budget para sa machinery at equipment outlay.
Dumalo naman sa pagdinig ang mga opisyal ng COA sa pangunguna ni Commissioner Gamaliel Cordoba.