-- Advertisements --

Isinusulong ni House Ways and Means Committee Chair at Albay Representative Joey Salceda ang House Bill No. 6993 na layong patawan ng dagdag na buwis ang ilang luxury items.

Sa explanatory note ng nasabing panukala, aamyendahan ang Section 150 ng National Internal Revenue Code kung saan papatawan ng 25% na tax ang mga ‘non-essential’ goods mula sa dating 20%.

Ikokonsidera naman na non-essential ang mga bagay o items na ang halaga ay hindi kayang bilhin ng nakararami sa consumer.

Kabilang sa ituturing na non-essential items ay ang mga sumusunod: wristwatches, bags, at belts na higit P50,000 ang halaga, luxury cars, private jets, pagbenta ng residential property na may halagang P100 million pataas, mga alcoholic beverage na P20,000 pataas ang presyo.

Ang dagdag na buwis na ito ay maliban pa sa ibang taxes na ipinapataw.

Paliwanag ni Salceda na ang luxury car ay papatawan pa ng automotve excise tax.

Inihayag ni Salceda sa sandaling maging ganap na batas ang nasabing panukala, makakalikom ng dagdag na P15.50 billion ang gobyerno mula sa ipinataw na 25% tax sa mga luxury items.