-- Advertisements --

Isinasapinal na ngayon ng Department of Budget and Management ang mga detalya ng proposed P5.77-trillion budget program para sa taong 2024.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman na target ng ahensya na maisumite sa kongreso ang naturang proposed budget isang linggo pagkatapos ng ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na Hulyo 24, 2023.

Aniya, bukas ay nakatakdang iharap ng DBM sa Cabinet meeting ang 2024 National Expenditure Program na magiging batayan ng General Appropriations Act sa susunod na taon, para sa final approval nito.

Ngunit una aniya itong nai-presenta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon kung saan sinabi ng pangulo na dapat na matiyak ng DBM na magiging consistent ang 2024 budget sa mga bagay na prayoridad ng pamahalaan ngayong taon, at gayundin sa Philippine Development Plan.

Ayon kay Pangandaman, sa oras na maaprubahan na ito ng Gabinete ay agad nang sisimulan ng DBM ang pag i-imprenta ng National Expenditure Program dahil nakasalig aniya sa konstitusyon na kinakailangan itong agad na maisumite isang buwan matapos ang SONA.

Samantala, umaasa naman ang kalihim na mas mabilis itong maaaprubahan ng Kongreso ngayong taon kumpara noong nakalipas na taon.

Ang proposed national budget para sa taong 2024 ay patuloy na bibigyang prayoridad ang mga expenditure items sa pag po-promote ng social and economic transformation sa pamamagitan ng infrastructure development, food security, digital transformation, and human capital development, ayon sa Development Budget Coordination Committee.

Kung maaalala, una nang isiniwalat ng naturang komite na ang 2024 budget ceiling ay aabot sa P5.768 trilyon, mas mataas ito ng 9.5% kumpara sa P5.268 trilyon ngayong taon.