Ipinapanukala ng isang mambabatas ang pagtatatag ng isang National Missing Persons Database at pagkakaroon ng libreng DNA testing.
Layon nitong mapadali ang muling pagsasama ng mga magkakapamilyang nawalay.
Sa House Bill 9529 o National Missing Persons Database and DNA Testing Act, isinusulong ni Iloilo Rep. Julienne Baronda, na magkakaroon ng isang central repository ng lahat ng impormasyon patungkol sa mga nawawalang indibidwal.
Layon nitong i-streamline ang koordinasyon sa pagitan ng lahat ng hurisdiksyon at palitan ng impormasyon patungkol sa mga missing persons.
Para naman mas mapadali ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng nawawalang indibidwal ay gagawing libre ang DNA testing para sa missing persons.
Titiyakin naman mahigpit na ipatutupad ang confidentiality at Data Privacy sa mga impormasyon ng mga nawawalang indibidwal at kanilang kaanak.
Naniniwala si Baronda na sa paggamit ng teknolohiya ay mas magiging epektibo ang paghahanap sa mga nawawalang indibidwal at mapapabilis ang pagbalik sa kanila sa kanilang mga pamilya.