Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapahintulot sa mga civil society organizations na makibahagi sa budget process ng Kongreso at ng iba pang opisina at ahensya ng pamahalaan.
Sa botong 200 na Yes, 6 na No at Zero na Abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 7407 na iniakda ni San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes.
Ayon kay Robes, na siyang chairman din ng House Committee on Peoples Participation, malaki ang papel ng panukalang ito kapag maging ganap nang batas hinggil sa budget deliberations sa General Appropriations Bill sa Kongreso pati na rin sa paghahanda ng pondo ng iba pang ahensya ng pamahalaan.
Sinabi ng kongresista na mabibigyan ng pagkakataon ang mga tao na maimpluwensyahan ang mga government officials sa kung paano dapat gamitin at kung kanino lamang ibigay ang pondo.
Umaasa si Robres na maaprubahan din ng Senado sa lalong madaling panahon ang counterpart bill nito sa Senado, sapagkat nakikita niya itong magpapalakas pa lalo sa transparency at accountability sa pagbalangkas ng taunang pondo.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga accredited civil society organizations ay bibigyan ng pagkakataon na makibahagi sa budget preparation ng mga ahensya ng pamahalaan, kasama na ang mga constitutional bodies at GOCCs, tulad ng ibinibigay na karapatan sa mga non-government organizations sa local development councils.
Bibigyan ang mga organisasyon na ito ng notices ng hearings at makakatanggap din ng dokumento hinggil sa budget, at bibigyan din ng pagkakataon na makapagsumite ng kanilang alternative budget proposals.