Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang padaliin ang foreign retail trade requirements sa bansa.
Inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 59 na naglalayong babaan ang required na minimum capital para sa foreign retail investors na nakasaad sa Republic Act 8762 o ang Retail Trade Liberalization Act of 2000.
Ayon sa pangunahing may-akda ng panukala na si Tarlac Rep. Victor Yap, kapag maamiyendahan ang batas na ito ay maraming produkto at panibagong teknolohiya ang papasok sa bansa, magiging mas competitive ang local players, at higit sa lahat ay maraming trabaho ang mabubuo para sa mga Pilipino.
Sa ngayon, ang mga negosyo na may paid-up capital na mas mababa sa US$2.5 million ay nakareserba lamang para sa mga kompanyang pagmamay-ari ng mga Pilipino.
Sinabi ni Yap na ang requirement na ito ang pinakamataas sa ASEAN region at nakikitang dahilan kung bakit hindi makapasok ang ilang foreign investors.
“In lowering the minimum paid-up capital to US$200,000, the financial risk of entering a new foreign market is significantly decreased resulting to a more attractive investment environment for foreign retailers,” giit pa ni Yap.
Sa oras na maisabatas ang panukalang ito, nakikita ng kongresista na maraming foreign-owned partnership, associations at corporations ang papasok sa retail trade business na may minimum paid-up capital na $200,000.
Bukod dito, maalis na rin ang requirement para sa mga foreign investors na makabili ng shares of stock ng mga local retailers, matatanggal ang required net worth, bilang ng brancges at track record conditions para sa mga foreign retailers na makibahagi sa retail trade sa Pilipinas.
“(It also) reduces the required locally manufactured products carried by foreign retailers to ten percent, from thirty percent of the total cost of their stock inventory,” dagdag pa nito.