Umapela ang isang kongresista sa liderato ng Kamara na hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang panukalang batas na nagbabawal sa pag-import at pag-export ng mga basura sa ibang bansa.
Ito ay matapos na maihain muli ngayong 18th Congress ni Misamis Oriental 2nd District Rep. Juliette Uy ang House Bill 3461.
Sa ilalim ng panukala, nais ni Uy na magtatag ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Finance at Department of Transportation, ng Environmental Protection Desk sa bawat pantalan sa bansa.
Ito ang magbabantay 24 oras sa loob ng isang linggo para maiwasan ang pagpasok ng mga imported cargoes na naglalaman ng mga basura.
“Imported cargoes declared as waste or misdeclared to conceal the true waste cargo or smuggled into the country shall not be offloaded from any transport vessel and shall be immediately ordered by port authorities to depart from the port and return the illegal cargo to its port of origin, with all costs borne by the shipper,” ani Uy.
Target din ng panukalang ito na gawing iligal ang import at export ng anumang uri ng basura- ito man ay solid, liquid, liquefied, gaseous, o pinaghalo-halong substance.
Ang mga lalabag na transport vessels kabilang na ang mga opisyal at crew nito, ay aarestuhin habang ipagbabawal naman ang pagpasok ng bansa ng shipper ng kontrabando.