Muling binuhay sa Kamara ang panukala na magtayo ng permanent evacuation sa harap ng lawak ng pinsala ng nagdaang bagyong Paeng.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, napapanahon nang pagtibayin ang House Bill 5152 o Permanent Evacuation Centers in Every City and Municipality.
Ayon kay Castro, nai-file na ang kahalintulad na bill noong 18th Congress pero hindi napagtibay.
Paliwanag ni Castro, dapat ituring na urgent bill ang panukala dahil ito ang kailangan ngayon ng bansa dahil madalas manalasa ang malalakas na bagyo sa Pilipinas at problema ang paglilikasan ng mga apektadong pamilya.
Binanggit ni Castro ang malawakang pagbaha sa Cotabato City, North Cotabato at Maguindanao kung saan mismong mga evacuation center sa naturang mga lalawigan ay binaha.
Giit ni Castro, kung agad na maaaprubahan ang bill, may pagkakataon pa na makapaglaan ng budget sa pagtatayo ng mga permanent evacuation centers sa ibat-ibang bahagi ng bansa at matalakay sa pagbabalik ng sesyon sa paghimay sa 2023 proposed national budget.