Lusot na sa House Committee on Ways and Means ang panukalang batas na maglalatag ng tax rates para sa mga proprietary schools para makapag-avail sila ng 10-percent preferential tax.
Sa ilalim ng inaprubahang substitute bill, simula Hulyo 1 2021 hanggang Hunyo 30, 2023 gagawing 1 percent na lamang ang preferential tax rate na 10 percent na pinababayaran sa mga proprietary educational institutions, pero ibabalik ulit sa 10 percent pagkatapos ng naturang timeframe.
Layon ng panukalang ito ni Salceda na mabigyan ng pagkakataon ang mga private schools na makapag-hire ng mga guro at mapanatili ang kanilang mga staff kasunod na rin nang kautusan na inilabas kamakailan ng Bureau of Internal Revenue na nagtataas sa 25 percent ang tax rate ng mga private education institutions mula sa dating 10 percent lamang.
Sinabi ni Salceda na aabot sa 3.43 percent ang matitipid ng mga private education institutions mula sa kanilang compensation expenses kung maipatupad ang 1-percent preferential rate.
Sapat aniya ito upang sa gayon ay makapag-rehire ng nasa 12,996 na mga guro sa pasukan sa susunod na taon.
Bukod dito, inaabsuwelto rin ng panukalang ito ang mga private schools sa kanilang legal liability na bayaran ang buwis na sinisingil sa kanila noong mga panahon na hindi pa malinaw ang treatment nito para sa kanilang sektor.