Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang magkaroon ng Malasakit Centers sa lahat ng mga ospital na pinatatakbo ng Department of Health (DOH).
Sa naganap na botohan sa plenaryo ng Kamara, 185 kongresista ang pumabor sa House Bill 5477 habang isa lang ang tutol at pito ang nag-abstain.
Nakasaad sa panukala na ang DOH ang siyang mamamahala sa Malasakit program, na ia-avail ng publiko sa mga Malasakit Centers na magsisilbing one-stop shop.
Dito maaaring humingi ng tulong medikal at pinansyal ang mga mahihirap na kukunin naman sa DOH, Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office, at Office of the President.
Kung maaalala, tinutulan ni Albay Rep. Edcel Lagman ang panukalang ito dahil sa pangamba niyang magamit lamang bilang partisan tool ang mga Malasakit Centers.