Itinutulak ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte para suspendihin ang implementasyon ng anakatakdang contribution increase ng PhilHealth sa kanilang mga miyembro sa oras na kakailanganin ito.
Inaamiyendahan ng panukalang batas na ito ni Quimbo ang Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Act, na nag-uutos sa unti-unting pagtaas nang premium contribution ng mga PhilHealth members ng 0.5 percent kada taon, simula 2021 hanggang sa umabot ito sa 5-percent limit sa 2025.
Para sa taong 2021, ang premium rate ay nakatakdang tumaas sa 3.5 percent ng buwanang sahod ng mga PhilHealth members, mula sa 3 percent rate lang noong 2020.
Pero sa ilalim ng panukala ni Quimbo, binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na suspendihin ang implementation ng mga pagtaas na ito kung kakailanganin nang pagkakataon gaya na lamang sa tuwing mayroong national emergencies.
Sa explanatory note ng panukalang kanyang inihain, sinabi ni Quimbo na hindi napaghandaan sa pag-apruba nang UHC Act ang nararanasan ngayon na COVID-19 pandemic, na naka-apekto sa health care sector at sa kabuhayan ng taumbayan sa nakalipas na taon.
Gayunman, sa ngayon, mas mainam ayon kay Quimbo kung masolusyunan muna ang mga issues sa PhilHealth bago pa man magkaroon ng anumang pagpapatupad nang pagtaas sa premium contribution ng kanilang mga miyembro.










