-- Advertisements --

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan ang pagbibigay ng taunang P5,000 stipend para sa lahat ng kuwalipikadong mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo—at mas mataas na P10,000 para sa mga estudyanteng may natatanging husay sa akademya.

Ayon kay Yamsuan, inihain na niya ang House Bill (HB) 2657 o BAON Para sa Estudyante Act, na layong tulungan ang kabataang Pilipino na manatili sa paaralan at tapusin ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng karagdagang suporta sa gastusin.

Saklaw ng panukalang batas ang mga mag-aaral sa elementarya, junior at senior high school, kolehiyo, at maging ang mga nasa Alternative Learning System (ALS).

Aminado ang mambabatas na maaaring magastos ang pagpapatupad ng programa, ngunit mas malaki umano ang balik nito sa bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas edukado at handang mamamayang bubuo sa susunod na henerasyon ng mga lider.

Nakapaloob sa HB 2657 ang probisyong nag-uutos sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na pag-aralan ang pagpapatupad ng tiered system batay sa income brackets upang mas mabigyan-prayoridad ang mga estudyanteng lubos na nangangailangan.

Ibinahagi ni Yamsuan na bilang dating iskolar, kinailangan niyang magtrabaho habang nag-aaral upang maipangtustos ang iba pang gastusin. 

Ito rin umano ang dahilan kung bakit sinimulan niya ang lokal na bersyon ng BAON program sa Parañaque’s 2nd District.

Mahigit 3,600 estudyante na ang nakinabang sa lokal na BAON o Bigay Ayuda at Oportunidad sa Nakababata mula nang maupo siya sa Kongreso. 

Ayon kay Yamsuan, marami sa mga benepisyaryo ang nagsabing nakatulong ang programa sa pagkain at pamasahe sa panahon ng exams, pati na rin sa pagbili ng school supplies at materyales para sa mga kursong nangangailangan ng dagdag na kagamitan tulad ng engineering at architecture.

Sa ilalim ng HB 2657:

• P5,000 ang ibibigay kada taon sa bawat kuwalipikadong estudyante;

• P10,000 naman sa mga dean’s listers;

• Ibibigay ang stipend tuwing simula ng school year;

• DepEd ang mangangasiwa para sa elementarya hanggang senior high school;

• CHED ang bahala para sa kolehiyo;

• Titiyakin ng DepEd at CHED na simple, mabilis at accessible ang proseso ng pagkuha ng stipend.

Ayon sa pinakahuling datos ng DepEd, may 24.9 milyong enrollees sa basic education (SY 2025–2026) na maaaring makinabang sa panukalang batas.