Ipinapanukala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagtatayo ng permanenteng “official residence” para sa bise presidente ng Pilipinas.
Ang House Bill 2698 ay isinusulong ni Kusug Tausug PL Rep. Shernee Tan-Tambut.
Ayon sa mambabatas, batay sa Saligang Batas ay mayroong official residence ang pangulo ng bansa.
Pero ang mga nakalipas na pangalawang pangulo, paiba-iba ang opisina.
Pahayag ni Rep. Tambut, mayroong vice president na nag-opisina sa Coconut Palace, sa Tahanang Maharlika o kaya’y sa Quezon City Reception House.
Giit ni Tambut, bilang ikalawang “highest elected official” ng bansa, ang bise presidente ay kailangang magkaroon ng presentableng official residence, kung saan maaari siyang humarap o tumanggap ng mga bisita gaya ng mga opisyal na pamahalaan, foreign dignitaries at mga kababayan nating nangangailangan ng tulong.
Dagdag niya, panahon nang magkaroon ng permanenteng official residence ang pangalawang pangulo ng bansa, na kung tutuusin ay makakatulong pa gobyerno dahil makakatipid na sa upa at iba pang serbisyo.
Kapag naging ganap na batas, ang bise presidente ay bibigyang-kapangyarihan na bumuo ng Technical Working Group o TWG, na tutukoy ng lokasyon ng permanenteng official residence, at magpa-plano, magdi-disenyo, aalam kung magkano ang magagastos sa konstruksyon at iba pa.
Ang pagtatayo ng official residence ng Vice President ay kailangang makumpleto sa loob ng anim na buwan, matapos na maging batas ang panukala.
Ang budget para sa implementasyon ng batas ay isasama na rin sa alokasyon para sa Office of the Vice President.