Isinusulong sa Senado ang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng full crop insurance ang mga kwalipikadong agrarian reform beneficiaries sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gobyerno.
Ito ang Senate Bill No. 1766 na akda ni Senator Manuel “Lito” Lapid na layunin ding maamyendahan ang Republic Act No. 6657.
Saklaw din ng panukala ang iba pang non-crop agricultural assets na kailangan para sa actual cultivation at livestock na sinertipikahan ng Deparment of Agrarian Reform (DAR).
Sa explanatory note ng Senate bill, inihayag ni Sen. Lapid na ang Pilipinas ay vulnerable pagdating sa madalas na pag-ulan , lindol at volcanic eruptions. Iginiit din ng Senador na nakakaapekto ang naturang disasters na ito sa kabuhayan ng ating mga kababayang magsasaka maging sa produksiyon at seguridad sa pagakin sa ating bansa.
Ayon pa sa Senador ang full crop insurance ay isa sa epektibong instrumento na magagamit ng pamahalaan pata maiwasan ang epekto ng mga kalamidad sa agricultural sector.
Sa ilalim din ng panukala, ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang siyang implementing agency ng agricultural insurance program ng pamahalaan na magbibigay ng insurance protection sa mga magsasak laban sa pagkalugi mula sa mga epekto ng kalamidad, mga plant disease at pest infestations ng kanilang mga pananim.