Target ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso na maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ngayong linggo bago ang kanilang holiday break ang panukalang batas na magtatatag ng coconut levy trust fund.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, magsisilbi itong regalo ngayong Pasko para sa mahigit tatlong milyon na coconut farmers mulla sa 68 coconut producing provinces, na nagmamay-ari ng hindi lalagpas sa limang ektaryang lupain.
Miyerkules ng nakaraang linggo nang aprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 8136, o ang proposed Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act.
Layon ng panukalang batas na ito na magamit na ng mga coconut farmers ang buwis na nakolekta mula sa kanila ilang dekada na ang nakalilipas, na sa kasalukuyan ay nagkakahalagan ng P76 billion.
Naniniwala si Velasco na malaki ang maitutulong ng pondong ito para mapabuti ang coconut industry pati na ang buhay ng mga coconut farmers sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, 99 taon ang itatagal ng trust fund na pangangasiwaan ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) na bubuuin naman ng Philippine Coconut Authority (PCA).
Ang inisyal na alokasyon na ibibigay sa PCA ay P5 billion, kasama na rito ang disbursements para sa formulation ng CFIDP.
Ang Department of Finance naman ang siyang designated manager ng trust fund.