-- Advertisements --

Lusot na sa House Committee on Ways and Means ang panukalang patawan ng P20 na excise tax ang kada kilo ng single-use plastic bags.

Sinabi ng chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda na aabot sa P4.8 billion ang maaring kitain ng pamahalaan sa pagpapataw ng P20 kada kilo na levy sa mga single-use plastic bags na ginagamit sa mga supermarkets, malls, at iba pang mga pamilihan.

Sa ilalim ng panukala, 100 percent ng kikitain dito ay ilalan sa solid waste management at implementasyon ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.

Sa kabila ng mataas na buwis, sinabi ni Salceda na minimal lamang ang impact nito sa mga sando plastic bags sa halagang P0.07 lamang.

Nagdesisyon aniya silang unang buwisan ang mga single-use plastic carriers kaysa ibang uri ng plastic, lalo na ang mga sachets, dahil maaring magdulot naman ito nang pagtaas ng presyo ng mga pagkain at basic commodities tulad ng shampoo at toothpaste.

“It’s just the first step. The next step is a tax on primary plastic packaging especially sachet since it accounts for 2/3 of solid waste and garbage,” ani Salceda.

Para naman kay House Committee on Ways and Means Vice Chairman Estrellita Suansing of Nueva Ecija, ang pangunahing may-akda ng panukala, layon ng panukalang batas niyang ito na hikayatin ang paggamit ng mga environment-friendly alternatives sa mga single-use plastic bags.

Samantala, nanawagan naman si Environment Usec. for Solid Waste Management Benny Antiporda sa Kongreso na unang patawan ng buwis ang mga plastic residuals at sachets bilang karamihan sa mga basura sa bansa ay mga sachets naman at maninipis na plastics.