-- Advertisements --

Nais ni Albay Rep. Joey Salceda na limitahan sa 18 ang bilang ng mga holidays sa Pilipinas.

Sa kanyang inihaing House Bill 5032, sinabi ni Salceda na lilimitahan na lamang sa siyam ang regular non-working holiday at dalawang local non-working holiday.

Pitong non-working days naman ang allowance na ibibigay sa mga empleyado para gunitain ang mga maituturing “special days” base sa cultural, religious, at personal preference.

Halimbawa rito ang Chinese New Year, EDSA Revolution Anniversary, Founding Anniversary ng Iglesia ni Cristo, at Nativity of the Blessed Virgin Mary.

“In this way, we are embracing our country’s diversity and public holidays can be more meaningful for the individual based on his or her choice,” ani Salceda.

Sinabi ng kongresista na layon ng panukalang ito na bigyan ang mga employers ng stable at mas predictable environment para sa kanilang business operations.

Sa ngayon ayon kay Salceda, mayroong 21 hanggang 25 public holidays kada taon, at ang Pilipinas ang nangungunang bansa sa rehiyon at maging sa buong mundo na may pinakamaraming holidays.

Nababawasan aniya ang pagiging produktibo at nakukuhang kaalaman lalo’t sumasabay pa minsan sa napakaraming holiday ang suspensyon ng klase sa mga paaralan.