Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na maaring magamit laban sa kontrobersyal na China Coast Guard Law.
Ang House Bill No. 6156 o Philippine Maritime Zone Act ay kasalukuyang nakabinbin sa House Committee on Foreign Affairs.
Sinabi ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez na sa ilalim ng inihain niyang panukala ay tutukuyin at idedeklara ang mga maritime zone na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Pilipinas, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
Magugunita na ilang teritoryo ng Pilipinas ang inaako ng China, kung saan nagtayo pa sila ng military installations sa ilang mga maliliit na isla.
Sa kanilang China Coast Guard Law, pinapahintulutan ng Beijing ang kanilang mga barko na umaksyon laban sa mga itinuturing nilang intruder sa South China Sea, kung saan ilegal na kasama ang West Philippine Sea.