Lusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 10987, na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa — industriyang isinangkot sa mga transnational na krimen gaya ng money laundering, cybercrime, at kidnapping.
Sa botong 172 pabor noong gabi ng Hunyo 10, tuluyang inaprubahan ng House of Representatives ang panukala na may layuning tuldukan ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas. Ang panukalang batas ay nagpapataw ng mabigat na parusa sa sinumang lalabag, kabilang ang pagkakakulong at multa.
Itinuturing ang hakbang na ito bilang pagpapatibay ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipasara ang lahat ng POGO — anunsyong una niyang binanggit sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22, 2024.
Sa ilalim ng HB 10987, awtomatikong binabawi ang lahat ng offshore gaming licenses o franchises mula sa anumang ahensiyang sangkot dito. Bawal na rin ang anumang uri ng operasyon o serbisyo kaugnay ng offshore gaming sa bansa.
Kasama sa ipinagbabawal ang mga sumusunod na aktibidad:
- Pagtanggap ng taya o pagpapatakbo ng anumang bahagi ng offshore gaming
- Pagpapatayo ng gaming hubs o support centers
- Pagmamay-ari ng gaming equipment o paraphernalia
- Pagbibigay-tulong o pagtatakip sa mga ilegal na operasyon
Kinakansela rin ng panukala ang lahat ng visa at alien employment permits na ibinigay sa mga dayuhang manggagawa ng mga POGO.
Lahat ng gusali, kagamitan, at ari-ariang ginamit sa operasyon ay kukumpiskahin at isasalin sa pamahalaan, maliban kung ito’y pag-aari ng inosenteng ikatlong partido.
Inaatasan din ang lahat ng dating POGO at kaugnay na serbisyo na bayaran ang buwis at iba pang obligasyong pinansyal sa gobyerno.(report by Bombo Jai)