-- Advertisements --
sen francis tolentino

Inihain na sa Senado ang isang panukalang batas na naghahangad ng komprehensibo at pinalakas na programa sa nutrisyon para sa mga Senior Citizens.

Isinulong ni Senator Francis Tolentino ang Senate Bill No. 1799 na layunin nitong palakasin ang umiiral na nutritional framework ng ating bansa.

Aniya, ang mabuting nutrisyon ay napakahalaga sa lahat ng pangkat ng edad, lalo na sa mga matatanda na kung saan nagbibigay ito ng enerhiya at sustansya na makakatulong na maiwasan o pamahalaan ang anumang mga sakit.

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Health (DOH), sa pakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs), non-government organizations, at mga people’s organization para sa mga senior citizen, ay magtatatag ng pambansang programang pangkalusugan at magbibigay ng pinagsamang serbisyong pangkalusugan para sa nasabing edad at pangkat.

Ang National Nutrition Council, ay ang itatalagang maghahanda ng komprehensibong nutrition and wellness program para sa mga Senior Citizens.

Una na rito, may 9.2 milyong matatanda ang mayroon sa Pilipinas, na humigit-kumulang 8.5 percent ng kabuuang populasyon ng ating bansa.