-- Advertisements --
image 263

Inihain ni Albay Rep. Edcel Lagman ang panukalang batas na naglalayong ideklara ang Pebrero 25 kada taon bilang regular, national at public non-working holiday bilang pag-alaala sa huling araw ng makasaysayang EDSA People Power Revolution.

Ang naturang panukala ay inihain matapos na hindi isinama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kaniyang Proclamation 368 ang Pebrero 25 mula sa listahan ng holidays at special non-working days para sa 2024 dahil ito ay natapat sa araw ng Linggo kung saan karamihan naman aniya ng manggagawa ay walang pasok sa nasabing araw.

Sinabi din ng mambabatas sa kaniyang panukala na dapat mayroong batas na nagi-institutionalize sa naturang event bilang regular national public non-working holiday ng EDSA People Power Revolution na nag-umpisa noong Pebrero 22-25, 1986.

Nakapaloob din sa naturang panukala na muling bubuo ng EDSA Commission para sa pagpaplano at pagpapatupad ng kaukulang nationwide ceremonies para sa pag-obserba ng EDSA Revolution.

Hinikayat din ng mambabatas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kaniyang kaalyado para suportahan ang enactment o pagsasabatas ng kaniyang panukala.

Magugunita na winaksan ng EDSA People Power Revolution ang dalawang dekadang panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na ama ni PBBM.