Isinusulong ng isang kongresista sa pamahalaan ang agarang pagbuo ng isang national task force na tututok sa “monkeypox.”
Batay sa House Resolution 134, na inihain ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee, binigyang diin nito ang kahalagahan ng isang national task force na binubuo ng ibat ibang government agencies katuwang ang private sector para sa mabilis na pagtugon at paghahanda laban sa monkeypox.
Ang naturang NTF ang siyang magbibigay ng update sa publiko hinggil sa estado ng sakit, magpatupad ng mga desisyon kung paano ito malalabanan gayundin ang pagbibigay impormasyon sa pamamagitan ng strategic communication upang maihanda rin ang publiko sa paglaban nito upang hindi mauwi sa panic at misinformation.
Ayon sa mambabatas, tulad ng pag-tugon sa COVId-19 pandemic, kailangan ng whole of nation approach sa paglaban sa monkeypox.
Bagamat hindi man kasing delikado ng COVID ang monkeypox ay hindi aniya maaaring magpakampante at saka na lamang kikilos kapag nagkaroon na ng pagtaas sa bilang ng kaso.
Pagbibigay-diin ni Rep. Lee na hindi dapat maparalisa muli ang ekonomiya ng bansa tulad nang nangyari sa COVID-19 lalo at nasa gitna pa rin tayo ng pandemya.
Nuong July 29 nang kumpirmahin ng DOH ang unang kaso ng monkeypox sa bansa.