-- Advertisements --
image 156

Inihain sa Senado ang isang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng support services ang maliliit na negosyo o online micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Kasabay ng paghahain ng Senate Bill No. 1499 o ang proposed Support Services for Online MSMEs Act, sinabi ni Senator Lito Lapid na dapat na kilalanin ang kahalagahan ng e-commerce sa pag-unlad at pagbangon ng ating ekonomiya mula sa mga naging epekto ng pandemiya.

Kayat nararapat aniya na bigyang pansin ang potensiyal ng maliliit na online businesses kapag nakarehistro na ang mga ito.

Layunin ng naturang panukala na matulungan ang mga tinatawag na self-employed para maibsan ang pagkawala ng kabuhayan o trabaho sa gitna ng hamon ng covid-19 pandemic.

Nilalayon din nito na makapagbigay ng sapat na kapital at credit access sa mga nagnanais na maglunsad ng online businesses at magkaroon ng isang online one-stop portal para sa lahat ng support services para magkaroon ng sapat na kaalaman at updates ang mga maliliit na negosyo sa mga developments at technological advancements.

Sa ilalim ng panukala, kabilang sa mga support services para sa online MSMEs ang loans mula sa government financial institutions, regulatory relief and extensions, technical training, product development services, marketing assistance, at logistics support.