-- Advertisements --

Itinutulak ngayon sa Kamara ang panukalang batas na layong patawan ng mabigat na parusa ang sinumang magpupuslit ng mga kontrabando sa mga kulungan, kasama dito ang sinumang opisyal na magiging kasabwat.

Ang House Bill No. 4061 ay inihain ni Quezon City Representative Juan Carlos “Arjo” Atayde.

Sinabi ni Atayde na ang nasabing panukala ay “patterned” sa Title 18, Part I Chapter 87 ng US Code Series of 1791 (Providing or possessing contraband in prison).

Sa explanatory note ni Atayde, sa kabila ng mahigpit na mga regulasyon na nagbabawal sa “trade and possession” ng mga kontrabando sa iba’t ibang piitan sa ating bansa subalit talamak pa rin ang mga ilegal na aktibidad.

Patunay dito ang mga serye ng raids gaya ng “Oplan Galudad” ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Corrections (BUCOR) kasama ang iba pang otoridad sa New Bilibid Prison (NBP).

Dahil dito, giit ni Atayde, panahon nang matuldukan ang ilegal na pagpapapasok at pag-aari ng mga kontrabado sa mga kulungan.
Sa sandaling maging ganap na batas, mahaharap sa parusan ng kulong na anim na taon hanggang 40 na taon, at multang P1 million hanggang P10 million.

Sakaling isang inmate ang mahatulan, ang parusa ay idadagdag sa orihinal na sentensya sa kanya.

Kung ang mahahatulan naman ay opisyal o empleyado ng gobyerno, siya ay mahaharap din sa “absolute perpetual disqualification” o habambuhay na diskwalipikasyon sa pag-upo sa public office, pag-alis ng retirement benefits at mga accrued o naipong leave.