-- Advertisements --

Lusot na sa House Committee on Rules ang panukalang naglalayong bigyan ng diskuwento binabayarang buwis ng mga medical frontliners.

Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, pangunahing may-akda ng panukala, sinabi ng Department of Finance (DOF) na aabot sa halos 270,619 medical frontliners ang magbebenepisyo sa panukalang ito sa oras na maging ganap na batas.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 25% discount sa kanilang income tax ang mga medical professionals na nagbibigay serbisyo ngayong may pandemya. 

Ang inaasahang mawawalang kita ng pamahalaan mula sa hakbang na ito ay inaasahang aabot ng P2.3 billion.

Sakop ng income tax discounts ang lahat nang mga medical frontliners na exposed sa pangambang dulot ng COVID-19.

Kasama rito hindi lamang ang mga doktor at nurses, kundi maging ang mga administrative employees, support personnel at staff ng mga medical institutions.

Umaasa si Salceda na maaprubahan ng Kamara ang panukalang ito bago matapos ang buwan ng Enero ng taong kasalukuyan.