Inaprubahan na ng House committee on foreign affairs ang substitute bill para sa printing ng mapa ng bansa, kabilang na ang 200-mile exclusive economic zone at Sabah, sa Philippine passports.
Sa isang statement, sinabi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na sa pamamagitan nang pag-print ng mapa ng bansa sa pasaporte ay maigigiit ang panalo ng bansa sa West Philippine Sea kontra China sa Permanent Court of Arbitration sa Hague, Netherlands, at sa legal at historic rights sa Sabah.
Si Rodriguez ang may-akda ng House Bill 6399 na pinagsamasama sa iisang substitute bill na aamiyenda sa Passport Law.
Samantala, inaprubahan din ng chairman ng komite na si Zamboanga Sibugay Rep. Ann Hofer ang panukalang magbibigay ng 32 percent discount sa mga senior citizens sa lahat ng passport issuance at renewal fees.
Lusot na rin sa komite ang online application ng mga senior citizens para sa passport issuance at renewal.