Lusot na sa House Committee on Health ang panukalang batas na tutugon sa iba’t ibang issues sa access sa mga gamot, bakuna at kagamitan sa tuwing mayroong public health emergencies.
Sa kanilang pulong nitong umaga, inaprubahan ng komite ang substitute bill sa House Bill No. 6995 o ang“Health Procurement and Stockpiling Act” na iniakda ni Quezon Rep. Angelina Tan, na siyang chairman din ng komite.
Layon ng panukalang batas na ito na magtatag ng Health Procurement and Stockpiling Bureau sa ilalim ng Department of Health (DOH) na siyang magsisilbing pangunahing ahensya na inaatasang mangasiwa sa transparent, fair, proactive, at innovative procurement service para sa health department.
Ito rin ang inaatasan para sa pag-iimbak at pangunahan ang release ng mga bakuna, gamot at kagamitan sa tuwing mayroong public health emergencies.
Bukod dito, ang Health Procurement and Stockpiling Bureau na rin ang siyang mangunguna sa pagbalangkas naman ng multi-sector National Drug and Device Security Program para sa self-reliance ng bansa sa paggawa ng mga gamot, bakuna at kagamitan.