-- Advertisements --
image 285

Kinalampag nina Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at Albay 2nd district Rep. Joey Salceda ang Senado na paspasan ang pag-apruba sa bersyon nito ng panukalang batas na nagsusulong sa pagtatatag ng permanenteng evacuation centers sa bawat lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Ito ay sa gitna na rin ng patuloy na pag-alburuto ng Bulkang Mayon na nagresulta sa pagka-displace ng libu-libong mga residente.

Iginiit ng dalawang mambabatas na ang kasalukuyang sitwasyon sa Mayon at sa Bicol na madalas na sinasalanta ng malalakas na bagyo ay nagpapakita ng pangangailangan para sa pagtatatag ng evacuation centers.

Saad ni Co na hindi sapat ang nakagawiang paggamit ng mga silid aralan sa public schools bilang evacuation centers para mabigyan ng angkop na pasilidad para epektibong ma-accommodate ang lahat ng mga inililikas kayat dapat na iprayoridad ang kaligtasan ng mga residente nang hindi nakokompormiso ang edukasyon.

Sinang-ayunan naman ni Salceda ang kababayan nitong Bicolano, na ang distrito ay isa sa mga naapektuhan ng mga pag-alburuto ng Mayon.

Aniya, ang pagtatayo ng mga evacuation centers ay magpapahusay sa ating kahandaan at katatagan sa harap ng mga hamon sa kapaligiran. Dapat din aniyang unahin ang pag-apruba sa panukalang batas na ito upang maibigay ang mga kinakailangang imprastraktura na sapat na makakasuporta sa ating mga komunidad sa panahon ng kalamidad.

Kung magugunita, nauna nang inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill (HB) No.7354 sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez na naglalayong magtatag ng mga evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong Pilipinas.

Kapag naaprubahan na ng Senado ang bersyon nito ng naturang panukalang batas, magpupulong ang mga miyembro ng Kamara at mga senador sa isang pagdinig ng Bicameral Conference Committee upang pagtugmain ang dalawang bersyon saka naman ito lalagdaan ng Pangulo.