VIGAN CITY – Nakatakdang maihain ngayong araw ang panukalang batas upang makontrol ang bill charges o ang mga transaction fee sa paggamit ng automated teller machine (ATM).
Ito ay may kaugnayan pa rin sa hiling ng ilang bangko sa bansa na madagdagan ang transaction fee na sisingilin sa mga gagamit ng ATM mula sa kasalukuyang binabayaran ng publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na ngayong araw nila planong ihain ang nasabing panukala upang mapag-aralan ng concerned committee bago ito maisalang sa plenaryo ng Kamara.
Aniya, hindi lahat ng mga transaksyon ay kailangang bayaran ng publiko dahil ito ay maaari namang kasama na sa serbisyo ng kanilang bangko.
Hangad ng mambabatas na mayroong maipatupad na standard charges nang sa gayon ay pare-pareho ang babayaran ng mga gagamit ng ATM.