-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang batas na mag-uutos sa mga commercial establishments at manufacturing firms para sa pagrekober, pagkolekta, pagresiklo at pagtapon sa mga plastic waste at non-biodegradable materials.

Ayon kay Baguio City Rep. Mark Go, author ng House Bill 6180, sakaling maging batas ang panukala ay magiging sakop nito ang mga commercial establishments gaya ng mga supermarkets, office buildings, malls, food chains at retail buildings.

Nakasaad aniya na dapat kolektahin at irekober ng mga nasabing kompaniya ang mga ginamit na plastik ng kanilang mga kostumer bago nila ito ipasakamay sa mga manufacturer para sa disposal o recycling.

Paliwanag ng kongresista, gusto niyang maging accountable ang mga manufacturing companies at commercial establishments na gumagamit ng mga plastik at non-biodegradable materials sa pamamagitan ng pagdagdag sa collection at recovery ng mga nagamit na plastik sa corporate social responsibility ng mga ito.

Binanggit din nito na makakatulong ang panukala para mabawasan ng hanggang 30-40 percent ang mga basura sa iba’t iba panig ng bansa lalo pa at 38 percent sa solid waste ng Pilipinas ay mga plastik batay sa 10-year National Solid Waste Management Status Report ng Department of Environment and Natural Resources.

Giit ni Go, mahalaga ang mahigpit na pagsisikap sa paggamit ng solid waste at plastic materials sa kabila ng solid waste management guidelines na nakasaad sa Ecological Solid Waste Management Act of 2001.

Sinabi pa ng kongresista na dapat ding gumawa ang mga business establishments ng incentive scheme para maibalik sa kanila ang mga plastik at non-biodegradable materials.