Pinayagan ng pamahalaan ang sibilyang grupo na ipagpatuloy ang nakaplanong Christmas convoy sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa ‘Atin to’ coalition, nagsagawa sila ng dayalogo kasama ang mga opisyal ng National Task Force on the West Philippine Sea noong Biyernes kung saan iprinisenta nila ang kanilang plano para sa Christmas convoy supply mission.
Pinasalamatan din ng grupo ang National Security Council (NSC) at iba pang mga opisyal ng pamahalaan sa pakikipagdayalogo sa kanila.
Una rito, nagoorganisa ang naturang grupo na kinabibilangan ng Akbayan Party ng 40 vessel convoy na maglalayag mula El nido sa Palawan patungong Ayungin para mamahagi ng food at navigation tools sa tropa ng PH.
Matatandaan na una ng pinayuhan ng NSC ang grupo na bisitahin na lamang ang ibang parte ng WPS gaya ng Kalayaan group of Islands sa halip na magdala ng supplies sa tropa ng Pilipinas na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Sinabi naman ng NSC na suportado nito ang civilian convoy in principle subalit hindi ang planong pagtungo sa Ayungin.
Ito ay dahil na rin sa paulit-ulit na panghaharass na ginagawa ng mga barko ng China sa resupply mission ng mga barko ng Pilipinas sa isinadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal kabilang ang pambobomba ng tubig o water cannon at mapanganib na maniobra na humantong sa banggaan.