-- Advertisements --

Binigyang-diin ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tristan Tarriela na ang pagpapatibay ng soberanya at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay nakabatay sa international law at sa 2016 Arbitral Award.

Sa isinagawang “WPS Atin Ito! Cebu Caravan” sa University of the Philippines-Cebu, iginiit ni Tarriela na ang pagtatanggol sa teritoryo ng bansa ay isang intergenerational na adbokasiya na nangangailangan ng aktibong pakikilahok ng kabataan.

Ayon sa kanya, mali ang pananaw na dapat umatras ang Pilipinas dahil sa takot na may masakripisyong buhay.

Binigyang-diin niyang ang ganitong pag-iisip ay taliwas sa ipinakitang katapangan, pagkamakabayan, at sakripisyo ng mga bayani tulad ng mga Katipunero na lumaban sa kolonyalismo nang hindi kinukuwestiyon kung “karapat-dapat ba itong ipaglaban.”

Sinabi pa ni Tarriela na hindi hinihingi sa kasalukuyang henerasyon ang makipagdigma, kundi ang panindigan ang ipinaglaban ng mga naunang Pilipino laban sa mga mananakop.

Aniya, ang patuloy na pag-awit ng pambansang awit ay paalala ng obligasyon ng bawat Pilipino na ipagtanggol ang bayan, kahit pa may kaakibat itong sakripisyo.

Dagdag pa niya, ang pagtatanggol sa soberanya ay hindi lamang opsyon kundi isang tungkulin at utang na loob sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaan, kaya’t mahalaga na maunawaan at ipagpatuloy ito ng nakababatang henerasyon.