KORONADAL CITY – Napigilang muli ng tropa ng gobyerno ang panibagong tangkang pagpapasabog ng local terror groups sa probinsiya ng Maguindanao.

Nangyari ang tangkang pagpapasabog sa Brgy. Lower Tambuan II, Guindulungan, Maguindanao kung saan sa nagpapatuloy na combat operations ng militar ay narekober ang isang IED na gawa sa 81mm mortar na nakasilid isang sako.

Agad namang napigil ng 90th Infantry Battalion Philippine Army ang pagsabog nito na target sana ay ang mga motorista sa daan.

Samantala ayon naman kay 6th Infantry Division PA spokesman Major Homer Estolas, nakapagtala na ng tatlong mga teroristang patay sa kanilang combat operations sa probinsya na sinasabing mga miyembro ng ISIS inspired local terror group.

Sa ngayon mas pinaigting pa ang seguridad matapos makumpirma ang planong holiday attack ng teroristang grupo.