Ibinida ng Philippine National Police ang panibagong pagbaba sa bilang ng crime rate sa bansa na kanilang naitala.
Batay kasi sa pinakahuling datos na inilabas ng pulisya, bumaba sa 7.84% na ang bilang ng mga kasong naitatala sa bansa na katumbas ng 140,778 na naitala ngayong taon, mas mababa sa 152,753 mula sa una nang naitala noong taong 2022.
Ayon kay Acorda, mayroon ding “remarkable progress” ang Pambansang Pulisya pagdating sa kampanya nito kontra ilegal na droga kung saan aabot sa Php7.2-billion na halaga ng ipinagbabawal na gamot ang nasabat ng kapulisan sa ikinasa nitong mahigit 34,000 na mga operasyon ngayong taon.
Habang sa naturang mga operasyon ay nasa 54,653 na mga indibidwal na ang kanilang naaresto kabilang na ang 56 na mga wanted persons na may pabuya.
Bukod dito ay nasa mahigit 34,400 loose firearms din ang nakumpiska ng kapulisan sa iba’t-ibang mga checkpoint at maging sa kanilang mga operasyon.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ni Acorda na magpapatuloy ang buong hanay ng Kapulisan sa pagpapatupad ng seguridad, at kapayapaan para sa kaligtasan ng taumbayan sa pamamagitan ng mas pagpapaigting pa sa police presence at vicinity partikular na sa mga crime prone areas at iba pang mga public convergence points.