-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN — May sapat pang suplay.

Ito ang idiniin ni John Milton Lozande, Secretary General ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), sa gitna ng babala ng mga sugar producer na maaaring mag-angkat ang gobyerno ng asukal dahil sa pagkatuyot ng mga sakahan bunsod ng El Niño.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi nito na nahigitan nila ang kanilang target na 1.85 million metric tons sa crop year 2023-2024 na umabot na sa 1.86 million metric tons na kabuuang output ng produktong asukal sa bansa.

Ito aniya ay maituturing na welcome development sa kabila ng naitalang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Kaya naman ay hindi dapat pinag-uusapan ang importasyon pagdating sa produktong asukal sapagkat batid ng Department of Agriculture at Sugar Regulatory Administration (SRA) na supisyente ang suplay ng asukal sa kasalukuyan kung saan ay mayroon pang 2 months buffer stock ng nasabing produkto at hindi pa ito nailalabas sa mga pamilihan.

Ang nasabing buffer stock ay ang volume ng asukal na pumasok sa mga bodega noong nakaraang taon na nasa 440,000 metric tons at 150,000 metric tons.

Aniya na sa kanilang opinyon ay mas matimbang na pag-usapan ng gobyerno ay ang mga suliranin na kinakaharap ng industriya ng asukal, partikular na ang napakataas na gastusin sa produksyon lalo na sa napakamahal na abono, walang kontrol na land use conversion, at ang subsidiya na dapat ay naibibigay sa mga sugar farmer.

Dagdag naman nito na ang kinokonsidera na volume ng pamahalaan na iaangkat na asukal mula 180,000 hanggang 200,000 metric tons ay hindi pa mataas kumpara sa pumasok noong nakaraang crop year na 440,000 metrikong tonelada ng nasabing produkto.

Subalit hindi pa rin sila sumasang-ayon sa hakbangin na ito dahil sa wala pa sa kalahati ng 150,000 metric tons na buffer stock ng bansa ang naipapasok sa mga bodega.