CAGAYAN DE ORO CITY – Matapos mabaril ang dalawang kasapi ng KASILO Farmers Lumad Organization sa Brgy salawagan, Quezon, Bukidnon nitong nakalipas na Sabado, isa na namang kasapi ang napatay nitong Lunes.
Ibinahagi ni Datu Matugas ang report sa Bombo Radyo kung saan ang napaslang ay nakilalang si Jeffrey Bayot, 32, taga Bongbungan, Quezon.
Base sa imbestigasyon ng KARAPATAN, pinatay daw ang magsasaka na isa ring habal-habal driver sa masukal na bahagi ng Block 1 purok Maligaya sa nasabing bayan.
Aniya, mismong ang pamilya ng biktima ang nagsabing mga sundalo ang nasa likod nang umano’y pagpaslang ng kanilang miyembo.
Kinumpirma naman ni Lt. Col. Franklin Fabic, commander ng 88IB, Philippine Army ang report sa pangatlong kaso ng pagpatay sa nasabing bayan.
Sinabi ni Fabic na nirerespeto nila ang akusasyon ng naiwang pamilya ng napatay na magsasaka.
Sa ngayon, mas hinigpitan pa ng 88th Infantry Battalion ang checkpoints sa nasabing lugar dahil sa loob lang ng dalawang araw ay tatlong magsasaka na ang napatay.