-- Advertisements --
image 307

Walang  ibang pwedeng gawin ngayon ang pamahalaan kundi ang magpadala ng note verbale at diplomatic protest laban sa patuloy na pananakot o pagtataboy ng Chinese coast guard sa ating mga mangingisda, pinakahuli rito ay ang insidente sa ayungin shoal.

Sinabi ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naiparating na niya kay Chinese President Xi Jinping ang mga ganitong naunang reports kung kaya nagkaroon sila ng mekanismo para sa isang bukas na komunikasyon.

Sa kabila nito, sinabi  ng pangulo na wala pa silang naisasarang kasunduan o anupamang kompromiso.

Ayon sa pangulo, ang timing ng naiulat na pagtataboy ng Chinese coast guard sa isang bangka ng mga pilipinong mangingisda ay nangyari nang nakabalik na siya rito sa bansa galing china.

Gayunpaman, umaasa aniya siyang  maipagbibigay alam ito ng mga opisyal ng china kay President Xi.

Aminado ang pangulo na mahabang proseso pa ito dahil bagong mekanismo lamang ang bukas na komunikasyon subalit umaasang mapa plantsa at makabubuo sila ng kasunduan hinggil dito.

Binigyang diin ng pangulo na Hindi naman armado ang ating mga mangingisda at Hindi sila banta sa kaninuman.