-- Advertisements --
PBBM 2

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, na prayoridad ng pamahalaan ang mas pagpapabuti at pagpapalakas pa sa disaster preparedness and response ng Pilipinas.

Kasunod ito ng sunud-sunod na kalamidad na nagdaan at naranasan ng bansa sa nagdaang mga araw at buwan na lubhang nakapinsala at nakaapekto sa bansa na kumitil din sa buhay ng ilang mga Pilipino.

Sa isang pahayag ay binigyang diin ng pangulo ang kahalagahan ng pagsusumikap na pangalagaan ang ecosystem na kalauna’y bubuo rin sa climate resilence ng bansa.

Ito aniya ang dahilan kung bakit palagi niyang inuungkat ang usapin hinggil sa climate change sa tuwing may pagkakataon dahil ito aniya hindi na biro pa.

Bukod dito ay muli rin nagpaalala si President Marcos Jr. sa magandang maidudulot ng pagtatanim ng halaman na makakatulong na mabawasan ang epekto ng pabago-bagong klima.

Kumpiyansa naman ang punong ehekutibo na ang pagtutulungan at pagsusumikap ng bawat isa ay makakatulong sa bansa at sa buong mundo na matugunan ang mga problemang dulot ng climate change.

Samantala, sinabi naman ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa gaganaping 27th Conference of the Parties (COP27) sa United Nations Framework Convention on Climate Change mula November 6 hanggang November 18 ay muling mananawagan ang Pilipinas sa iba’t-ibang mga bansa para sa kanilang suporta sa layuning magkaisa at tumulong sa paglaban sa climate change.