Pinatitiyak ni Pangulong Bongbong Marcos sa liderato ng Philippine Charity Sweepstakes Office na mabigyan ng tulong ang mga kababayan natin na nangangailangan ng tulong.
Ayon kay PCSO Chairman Junie Cua, patuloy silang nakikipag-ugnayan kay Pangulong Marcos Jr., ng sa gayon mapalawig pa ang bilang ng mga beneficiaries na binibigyang tulong ng ahensya.
Nangako rin si Cua na gagawing mas accessible sa mga Pilipino ang PCSO, partikular duon sa mga humihiling ng tulong sa pagbabayad ng mga gastusing medikal sa pamamagitan ng Medical Assistance Program (MAP).
Iniulat din ng PCSO sa Pangulo na sa pamamagitan ng kanilang Calamity Assistance Program (CAP) nasa kabuuang P8,584,000.00 ang inilaang pondo para sa 20,318 pamilyang naapektuhan ng mga sakuna mula Enero hanggang Marso 2022.
Umabot din sa kabuuang P8,997,325.00 ang inilabas na pondo sa pamamagitan ng Corporate Social Responsibility initiatives ng PCSO, para sa iba’t ibang aktibidad.
Nauna rito, inihayag ng PCSO na direktang tinulungan nito ang 255,520 indigents at financially incapacitated individuals sa ilalim ng kanilang flagship Medical Access Program (MAP).
Kumpiyansa naman si Cua sa patuloy na pagbangon ng bansa mula sa Covid-19 pandemic kung saan magkakaroon ng pagtaas sa bilang ng mga Pilipinong nangangailangan na matulungan ng ahensyang nasa ilalim ng Office of the President.
Siniguro ni Cua na magpupursigi sila para mahigitan ito at mas marami pa sa mga kababayan natin ang mabigyan ng tulong.